Nagpahayag ng pangamba ang isang cybersecurity specialist sa posibilidad na madaling ma-access ng mga bata ang isang website na naglalaman ng totoong insidente ng karahasan at iba pang sensitibong materyal.

Ayon kay cybersecurity specialist Tzar Umang, dapat maging maingat sa pagbibigay ng malawak na atensyon sa naturang website dahil maaari itong ma-access ng mga menor de edad at magamit bilang sanggunian ng mga nais gumaya sa marahas na gawain. Maaari rin umanong maipakalat muli ang mga naturang materyal sa iba pang online platforms.

Sinabi ni Umang na ginagamit din umano ng ilang grupo ang ganitong uri ng online platform upang i-groom ang mga bata at hikayatin silang gumawa ng krimen at irekord o i-upload ang kanilang ginawa. Aniya, may mga kategorya ng karahasan sa naturang site na maaaring magsilbing impluwensya o motibasyon sa mga indibidwal na madaling maimpluwensiyahan.

--Ads--

Kasunod nito, hiniling ni Umang sa mga awtoridad na pag-aralan ang posibilidad na ma-block ang naturang website sa bansa.

Nauna nang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na natuklasan ng mga awtoridad na isinahimpapawid online ng suspek ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University gamit ang isang website na naglalaman ng mga totoong insidente ng karahasan.