Dagupan City – Pinaigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa ilegal na pangingisda at iba pang paglabag sa batas pangkalikasan sa karagatan ng Infanta sa pamamagitan ng isinagawang coastal monitoring activity sa baybaying bahagi ng Barangay Cato.
Pinangunahan ang aktibidad ng mga Wildlife Enforcement Officers (WEOs) katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Infanta at Department of Environment and Natural Resources–Community Environment and Natural Resources Office (DENR-CENRO) Alaminos City.
Layunin ng monitoring na matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas sa pangangalaga ng kalikasan at wildlife protection, lalo na ang pagbabawal sa ilegal na pangingisda at iba pang gawaing nakasisira sa marine biodiversity at mga protektadong yamang-dagat.
Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ng mga awtoridad ang kalagayan ng coastal area upang matukoy ang mga posibleng paglabag sa environmental laws at maiwasan ang labis na pagkuha o overexploitation ng mga yamang-dagat.
Bilang bahagi rin ng pagpapalakas ng koordinasyon, bumisita ang grupo sa Philippine Coast Guard Sub-Station upang higit pang pagtibayin ang ugnayan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pagbabantay sa mga baybaying dagat at pagpigil sa mga ilegal na aktibidad.
Ayon sa mga kinauukulan, mahalaga ang tuloy-tuloy na coastal monitoring at mas matatag na inter-agency collaboration upang mapangalagaan ang yamang-dagat, mapanatili ang balanse ng marine ecosystem, at matiyak ang pangmatagalang kabuhayan ng mga mangingisda na sumusunod sa batas.










