Patuloy ang monitoring at clearing operations ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga barangay na nakaranas ng epekto ng malalakas na ulan.

Ayon kay Karla Adriano, Head ng MDRRMO Sual, may ilang lugar na nakaranas ng minor landslide, partikular sa Siwasiw, Kawayan, at Bakiwin.

Nilinaw ni Adriano na wala namang naiulat na malaking landslide o malaking pinsala. Hindi rin kinailangang isara ang mga kalsada dahil agad na nalilinis ng mga barangay ang mga gumuhong lupa.

--Ads--

Patuloy din ang pag-iikot ng MDRRMO at pangangalap ng ulat mula sa mga barangay, kabilang ang posibleng mga residenteng lumikas dahil sa malakas na ulan at pagtaas ng tubig.

Samantala, patuloy ang pagbibigay ng abiso sa mga residente, lalo na sa mga nasa coastal areas at mga mangingisda. Nakikipag-ugnayan din ang MDRRMO sa Philippine Coast Guard at Maritime authorities para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Paalala ni Adriano sa publiko, manatiling alerto at handa dahil pabago-bago pa rin ang panahon.