Iginiit ni suspended Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca na “spliced” o pinagdugtong-dugtong umano ang CCTV footage na inilabas kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13, 2026.

Sa ambush interview nitong Miyerkules, sinabi ni Aplasca na piling bahagi lamang umano ng video ang inilabas upang suportahan ang isang partikular na naratibo.

“We are preparing the complete videos. What they did was splice the videos, and they only selected the videos that will support their narrative. And I think it’s not correct,” ani Aplasca.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na hindi umano totoo ang mga pahayag na walang naganap na pag-atake sa Senado.

“Yung sabi nila walang attack. Bigyan nyo kami ng konting panahon,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ni Aplasca na inaasahan na niya ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng insidente.

Nauna nang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng kaso laban kay Aplasca at dalawa pang security personnel ng Senado kaugnay ng nangyaring pamamaril sa loob ng Senado.

Ayon sa PNP, maaaring maharap sa paglabag sa Rules of Engagement at sa mga probisyon ng Republic Act No. 11917 o Private Security Services Industry Act ang mga sangkot.

Kinumpirma rin ni Aplasca na nakatanggap na sila ng subpoena mula sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.

Gayunman, pinabulaanan niya ang alegasyong may itinago silang ebidensya tulad ng CCTV footage at mga baril.

Sinabi din ni Aplasca na nagkaroon ng security coordination meeting sa pagitan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms at GSIS Security Office noong Mayo 12 bilang paghahanda umano sa nalalapit na impeachment proceedings.