Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na mailayo sa pulitika ang Department of Health (DOH) kasunod ng pagtatalaga kay Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr. bilang bagong kalihim ng ahensya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na umaasa siyang magsisilbing simula nng malalaking reporma ang bagong liderato sa DOH upang mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.

Ayon sa senador, mataas ang kanyang pag-asa na maisusulong ni Pujalte ang mga pagbabago at mailalatag ang matibay na pundasyon para sa mas mahusay na healthcare system.

--Ads--

Kasabay nito, iginiit ni Cayetano na mahalagang mailayo ang DOH sa pulitika upang makapaghatid ito ng mas epektibo at maayos na serbisyo sa publiko.

Noong Hulyo 13, inanunsyo ng Malacañang ang pagtatalaga kay Pujalte bilang bagong DOH secretary kapalit ni Teodoro Herbosa, na nagbitiw sa puwesto dahil sa kadahilanang pangkalusugan.

Ayon sa Palasyo, si Pujalte ay isang beteranong orthopedic surgeon na may mahigit tatlong dekadang karanasan bilang doktor, hospital administrator, guro, at public servant.