Malaki ang naitutulong ng ipinamahaging cash assistance ng Department of Social Welfare and Development sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo, partikular sa pagkain at iba pang gastusin sa bahay.
Ayon sa isang benepisyaryo, agad niyang ginamit ang natanggap na ayuda sa pagbili ng bigas upang matiyak ang sapat na pagkain ng kanyang pamilya.
Aniya, kahit simple lamang ang ulam o minsan ay wala, malaking ginhawa na ang may makain araw-araw.
Bukod sa pagkain, may ilan ding tumanggap ng tulong na naglaan ng pondo para sa iba pang pangangailangan tulad ng gatas ng mga bata at maging sa pagkukumpuni ng gamit tulad ng gulong.
Gayunman, may ilang nakaranas ng aberya sa proseso ng pamamahagi dahil sa kakulangan o hindi malinaw na detalye sa kanilang mga dokumento, partikular sa mga lisensya na hindi mabasa ang pangalan at address.
Nagdulot ito ng pagkaantala sa pagtanggap ng ayuda ng ilang benepisyaryo.
Sa kabila nito, kinilala ng mga residente ang maayos na sistema ng pamamahagi at organisadong pila na ipinatupad ng ahensya, na naging dahilan upang maging maayos ang daloy ng distribusyon.
Samantala, nabanggit din sa isang pulong kasama ang lokal na pamahalaan na may inaasahan pang susunod na tulong-pinansyal para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Hinihikayat ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na anunsyo ukol sa karagdagang ayuda na maaaring ipamahagi sa mga darating na linggo.










