Ang awiting “Sobra-Sobra” ang napiling opisyal na entry ng Pilipinas sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia 2026 matapos itong magwagi sa “Pili, Pinas” selection night nitong Sabado.
Inawit ni Carmelle Collado ang kantang isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides, na siyang kakatawan sa bansa sa prestihiyosong kompetisyong gaganapin sa Nobyembre 14 sa Bangkok, Thailand.
Tinalo ng “Sobra-Sobra” ang siyam na iba pang awitin mula sa mga kilalang songwriter at performers sa bansa. Nasungkit naman ng “Broken Beyond Repair” na inawit ng SAGA ang ikalawang puwesto, habang pumangatlo ang “Mapadama” nina JM dela Cerna at Marielle Montellano.
Pinangunahan nina Vice Ganda, Darren Espanto at Alexa Ilacad ang “Pili, Pinas,” na sinabayan din ng performances nina Jed Madela, Angeline Quinto, Klarisse de Guzman at Vina Morales, kasama ang iba pang kilalang personalidad sa industriya ng musika.










