Nananatiling sentro ng bentahan ng mga parol sa Pangasinan ang Barangay Caranglaan sa Dagupan City, na isinusulong ngayon bilang Lantern Capital ng lungsod dahil sa matagal nang tradisyon ng paggawa at pagbebenta ng mga parol sa lugar.
Ayon kay Barangay Captain Gregorio Claveria Jr., ilang dekada nang nagtitinda ng mga parol ang mga negosyante sa kanilang barangay, dahilan upang makilala ito hindi lamang sa Pangasinan kundi maging sa iba pang lalawigan.
Unti-unti na rin umanong nakikilala ang Caranglaan bilang pangunahing destinasyon ng mga mamimiling naghahanap ng iba’t ibang disenyo at estilo ng parol, lalo na tuwing papalapit ang Kapaskuhan.
Ipinatupad din ng barangay ang pagkuha ng business permit para sa mga nagtitinda ng parol, kabilang ang mga panandaliang negosyo. Nasa ₱200 ang bayad sa permit, na nagbibigay sa mga nagtitinda ng kaukulang pahintulot upang makapagnegosyo habang nakatutulong din sa kita ng barangay.
Dagdag pa ni Claveria, matagal nang magkakakilala ang mga nagtitinda sa lugar at bihasa na ang mga ito sa kanilang negosyo. Dahil sa ilang dekada nang karanasan, patuloy nilang natutugunan ang pangangailangan ng mga mamimili mula sa iba’t ibang lugar.
Hinikayat naman ng opisyal ang publiko na mamili ng mga parol sa Barangay Caranglaan, kung saan matatagpuan ang iba’t ibang disenyo na maaaring ipangdekorasyon sa mga tahanan at establisimyento ngayong Kapaskuhan.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagtataguyod sa lokal na industriya ng parol, umaasa ang barangay na higit pang makikilala ang Caranglaan bilang Lantern Capital ng Dagupan City at mapalalakas ang kabuhayan ng mga lokal na nagtitinda.










