BOMBO DAGUPAN – Patay ang isang bus conductor na umawat lamang sa gulo matapos saksakin sa Brgy. San Vicente sa lungsod ng Urdaneta.

Ayon kay PCAPT. Rey Floro Tuanquin, Chief Investigation Officer, Urdaneta City PNP, kinilala ang biktima na sina Ronnie Domingo Salvador, 33 years old, married, bus conductor, at residente ng Purok 7 Brgy Rizal Santiago City, Isabela.

Habang ang mga suspek ay nakilalang sinaAldwin Rick Baltazar Gawat, 47 anyos, binata, driver, at residente ng Brgy District 1, Cauayan City, Isabela; Calvin Elchico Calixtro, 23 anyos, binata, bus conductor, residente sa parehong lugar at Anselmo Gartida Ermitanio, 52 anyos, may asawa, driver, at residente ng Brgy. Dubinan Santiago City Isabela.

--Ads--

Nagkaroon umano ng inuman sa isang restobar ang grupo na empleyado ng isang bus company.

Base sa salaysay ng witness na si Arjay Barbaran Balagasay, 37 anyos, may asawa, driver, at residente ng Purok 4 Brgy Rizal Santiago City, Isabela, matapos ang inuman ay nagdisisyon na silang bumalik sa iniwan nilang bus sa San Vicente, nagkaroon ng away ang grupo .

Lumalabas sa imbestigasyon na ang motibo ay nagkaroon ng alitan patungkol sa sinakyan na tricycle nang sila ay pabalik. Umawat lamang daw ng biktima sa away ng grupo.

Nagtamo siya ng saksak sa bandang taas ng kaliwang dibdib na tumagos sa likuran ng biktima.

Dinala ang biktima sa Urdaneta District Hospital ngunit deneklarang dead on arrival.
Mabilis na tumakas ang mga suispek subalit, naaresto rin ang mga ito ng mga otoridad sa bayan ng Umingan.

Samantala, isinampa na ang kasong murder laban sa mga ito.