Nakatakdang ipasuri sa Bureau of Immigration ang apat na Chinese nationals na nahulian ng P124 milyong halaga ng shabu sa lungsod ng Urdaneta, Pangasinan.
Ito’y matapos na madiskobre na dalawa sa dayuhang intsik ang gumamit ng peke at expired na passport.
Ayon kay Pangasinan Police Provincial Office PPO Director Police Colonel Wilson Lopez, makikialam na rin sa isinasagawang imbistigasyon ng PNP at NBI ang hanay ng Bureau of Immigration o BI laban sa apat na nahuling chinese nationals.
Napagalaman kasi na ang pasaporte ng isa sa mga suspek na si Ye Ling ay ‘expired’ o wala ng bisa habang ang isa pa nitong kasamahan ay gumamit naman ng pekeng passport.
Bukod pa dito, aalamin din umano ng Bureau of Immigration kung paano nakapasok sa bansa ang mga nabanggit na dayuhan gayong ilegal ang dokumento ng mga ito. Kanila din umanong tutukuyin kung kelan unang dumating dito sa bansa ang mga Chinese Nationals at kung ilang taon ng naninirahan sa Pilipinas ang mga ito.