Dagupan City – Paiigtingin ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang regulasyon sa mga fish pen at fish cage sa bayan bilang bahagi ng hakbang upang mabawasan ang pagbaha, maprotektahan ang kalikasan, at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga umiiral na batas.

Ayon kay Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III, isa sa mga nakikitang dahilan ng pagbaha sa ilang barangay ay ang mga fish pen at fish cage na nakahahadlang sa maayos na daloy ng tubig.

Aniya, nagiging balakid din ang mga ito sa isinasagawang dredging operations ng lokal na pamahalaan na layuning mapalalim at malinis ang mga daluyan ng tubig.

--Ads--

Sinabi rin ng alkalde na mahalagang maipatupad ang tamang regulasyon sa mga fish pen at fish cage, kabilang ang pagsunod ng mga may-ari sa mga kaukulang buwis at iba pang legal na obligasyon.

Binigyang-diin niyang hindi ipinagbabawal ng pamahalaan ang ganitong uri ng kabuhayan, ngunit kinakailangang tiyakin na ang operasyon ng mga ito ay hindi nakaaapekto sa kapaligiran at sa kapakanan ng komunidad.

Nanawagan si Merrera sa mga may-ari ng fish pen at fish cage na makiisa sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan, kabilang ang boluntaryong pagtanggal ng mga istrukturang nakahahadlang sa dredging at sa daloy ng tubig.

Aniya, kung hindi ito maisasagawa sa kusang paraan, mapipilitan ang pamahalaang bayan na ipatupad ang naaayon sa batas upang mapangalagaan ang kapakanan ng mas nakararami.