Dagupan City – Naglabas ng panibagong paalala ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley upang hikayatin ang mga residente na manatiling maingat at handa habang patuloy na nakararanas ng masamang panahon dulot ng Bagyong Maymay.

Pinayuhan ang mga mamamayan na manatili sa ligtas na lugar at iwasang lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan upang mabawasan ang panganib na dulot ng malalakas na pag-ulan at iba pang epekto ng bagyo.

Hinikayat din ang publiko na subaybayan lamang ang mga opisyal na anunsyo mula sa PAGASA, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Binmaley, at Pamahalaang Bayan ng Binmaley upang makatanggap ng tama at napapanahong impormasyon hinggil sa lagay ng panahon at mga kinakailangang hakbang.

--Ads--

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng paghahanda ng emergency kit na naglalaman ng sapat na pagkain, inuming tubig, mga gamot, flashlight, baterya, at iba pang mahahalagang kagamitan na maaaring kailanganin sakaling lumala ang sitwasyon.

Pinaalalahanan din ang mga residente na umiwas sa pagtawid o pananatili sa mga bahain, ilog, at iba pang mapanganib na lugar. Pinayuhan din silang agad na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, lalo na kung kinakailangan ang agarang paglikas upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalaga ang pagiging mapagmatyag, handa, at nagtutulungan ng bawat mamamayan upang mabawasan ang panganib na dulot ng kalamidad. Patuloy ding binibigyang-prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng bawat Binmalenian habang nakaalerto ang mga kinauukulang tanggapan sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Maymay.