DAGUPAN CITY- Ipinaliwanag ng Bayambang Assessor’s Office sa publiko ang kahalagahan ng Schedule of Market Values o SMV at ang magiging epekto nito sa real property tax o amilyar sa ilalim ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act.
Ayon sa tanggapan, ang SMV ay opisyal na dokumentong inihahanda ng municipal at provincial assessors, na inaaprubahan ng Bureau of Local Government Finance at sertipikado ng Department of Finance.
Kabilang sa paggamit ng SMV ang pagkalkula ng real property tax o amilyar, tax assessments, transfer tax, iba’t ibang bayarin sa gobyerno, at maging sa pagtukoy ng pambansang buwis kaugnay ng paglilipat ng real property.
Target na maipatupad ang binagong SMV pagsapit ng 2028 at inaasahang rerepasuhin ito kada tatlong taon.
Ipinaliwanag din ng Assessor’s Office na maaaring magkaroon ng pagtaas sa real property tax o amilyar sa oras na maipatupad ang bagong SMV.
Samantala, pinaalalahanan din ng Assessor’s Office ang mga may-ari ng lupa, bahay, at makinarya na may hindi pa nababayarang amilyar na may umiiral na amnestiya para sa penalties, surcharges, at interes ng RPT mula Hulyo 5, 2024 pababa.










