Sa pagsisimula ng bagong school year, ipinaliwanag ni Dr. Argel B. Masanda isang Psychologist ang lumalaganap na school anxiety at separation anxiety na nararanasan ng mga mag-aaral, lalo na tuwing unang araw ng pasukan.

Ayon kay Dr. Masanda, normal lamang na makaranas ng halo-halong kaba at excitement ang mga bata sa pagbabalik-eskwela, lalo na matapos ang mahabang bakasyon. Aniya, ang pagbabago sa nakasanayang routine ng mga bata ay nagdudulot ng bahagyang takot at pagkabalisa dahil sa hindi nila alam kung ano ang kanilang kahaharapin sa bagong school year.

Ipinaliwanag niya na mas madalas maranasan ang ganitong anxiety sa mga batang nasa elementarya, dahil hindi pa ganap ang kanilang sense of self at mas sensitibo sila sa mga bagong karanasan. Dagdag pa niya, hindi dapat ituring na “pag-iinarte” ang ganitong pag-uugali ng mga bata dahil ito ay normal na reaksyon sa pagbabago ng kapaligiran.

--Ads--

Tinalakay din ni Dr. Masanda ang separation anxiety, na aniya ay mas seryosong kondisyon kumpara sa normal na kaba. Ito ay tumutukoy sa labis na hirap ng bata kapag nahiwalay sa kanyang magulang o tagapag-alaga.

Kapag tumagal umano ito ng higit dalawang linggo at hindi pa rin nakaka-adjust ang bata, maaari na itong ituring na mental health concern na nangangailangan ng tulong mula sa mga psychologist o guidance counselor.

Binigyang-diin din niya na ang anxiety ay maaaring magpakita ng pisikal na sintomas tulad ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkahilo, at hirap sa paghinga.

Ayon sa kanya, ito ay epekto ng stress hormones na nagdudulot ng pagbabago sa katawan ng bata.