Nagbabala si Leonardo Montemayor, Pangulo ng Federation of Free Farmers, hinggil sa nakaambang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, partikular sa produksyon ng palay sa bansa.
Ayon kay Montemayor, napakahalaga ng maagang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture, National Irrigation Administration, iba pang sektor ng agrikultura, at mga lokal na pamahalaan. Layunin nitong makapagbigay agad ng tamang gabay at konkretong plano para sa mga magsasaka bago pa tuluyang maramdaman ang epekto ng tagtuyot, lalo na sa inaasahang pagdating nito sa Hunyo.
Binanggit din niya ang pangangailangang tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng binhi, punla, at iba pang suporta upang makahikayat ng pagtatanim ng alternatibong pananim bukod sa palay.
Batay sa kanilang pagsusuri gamit ang datos mula sa Department of Agriculture at Philippine Statistics Authority, inaasahan na bababa ang produksyon ng palay sa unang anim na buwan ng taon, na magreresulta rin sa humigit-kumulang 6% na pagbaba sa produksyon ng bigas.
Mas malaki aniya ang problemang maaaring sumiklab sa nalalabing bahagi ng taon. Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba at produktong petrolyo, na posibleng magtulak sa mga magsasaka na bawasan ang kanilang pagtatanim.
Dagdag pa rito, kung isasaalang-alang ang epekto ng El Niño, lalo pang lalala ang sitwasyon ng produksyon. Ayon sa Department of Agriculture, na inulit ni Montemayor, ang pinakamagandang senaryo ay ang pagbaba ng ani ng palay ng hanggang 20% mula Hulyo hanggang Disyembre kung magiging katamtaman lamang ang epekto ng El Niño. Ngunit kung lalala ito, may posibilidad na umabot sa 50% ang mawawalang ani.
Sa pinakamasamang sitwasyon, kakailanganin umano ng bansa na mag-angkat ng hindi bababa sa 7 milyong tonelada ng bigas, na tinatayang aabot sa halagang P210 bilyon.
Sa huli, umaasa si Montemayor na madaragdagan ang pondo para sa sektor ng agrikultura upang mapalakas ang produksyon ng mga lokal na magsasaka at mapabilis ang paglalabas ng pondo bago pa man sumapit ang panahon ng pagtatanim.










