Inaasahang magla-landfall sa baybayin ng La Union ang Tropical Storm Maymay mamayang gabi, habang nananatiling nakaamba ang malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa malaking bahagi ng Hilagang Luzon.
Ayon kay weather forecaster Gener Quitlong, mula sa pagiging low-pressure area (LPA), lumakas na ang Maymay at isa nang tropical storm na kasalukuyang kumikilos nang mabagal sa karagatang sakop ng La Union.
Ipinaliwanag niya na kapag tuluyang tumawid ang bagyo sa kalupaan, mabilis itong hihina at posibleng maging tropical depression bago tuluyang bumaba sa antas ng low-pressure area.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Benguet, timog ng Abra, kanlurang bahagi ng Mountain Province, at ilang bayan sa Pangasinan kabilang ang Anda, Bolinao at Bani.
Ayon kay Quitlong, maaari pang madagdagan ang mga lugar na isasailalim sa Signal No. 2 habang papalapit ang bagyo sa kalupaan.
Bagama’t nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Dolphin, sinabi ni Quitlong na malaki ang impluwensiya nito sa kasalukuyang kilos ng Maymay.
Aniya, ang malakas na sirkulasyon ng Dolphin ang dahilan kung bakit mabagal ang galaw ng Maymay at tila hinihila ito pabalik sa kalupaan ng La Union sa halip na tuluyang kumilos patungong South China Sea.
May posibilidad ding lumakas pa ang Dolphin at maging super typhoon, ngunit sa ngayon ay wala pa itong direktang banta ng landfall sa Pilipinas.
Nilinaw rin ni Quitlong na bukod sa epekto ng Bagyong Maymay sa Northern at Central Luzon, patuloy ding pinalalakas ng Bagyong Dolphin ang southwest monsoon o habagat.
Dahil dito, makararanas pa rin ng mga pag-ulan ang kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas, habang nagpapatuloy ang malalakas na buhos ng ulan sa Hilagang Luzon.
Kahit humina at tuluyang maging LPA ang Maymay matapos ang landfall, sinabi ng weather forecaster na hindi pa agad matatapos ang panganib.
Aniya, magpapatuloy pa rin ang pagbaha sa Pangasinan, La Union at iba pang bahagi ng Northern at Central Luzon hanggang sa katapusan ng linggo dahil sa patuloy na epekto ng habagat at impluwensiya ng Typhoon Dolphin.
Hinimok naman ni Quitlong ang publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga abiso ng mga lokal na pamahalaan at weather authorities.










