Nananatiling halos hindi gumagalaw ang Tropical Depression Maymay habang nasa karagatan sa kanluran ng La Union at patuloy na nagdadala ng malalakas na bugso ng hangin at ulan sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa 2:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 140 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Bacnotan, La Union. Taglay ang maximum sustained winds na aabot sa 55 km/h at pagbugsong aabot sa 70 km/h.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 17 lugar sa Luzon, kabilang ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, hilagang bahagi ng Zambales, hilagang Tarlac, hilagang Nueva Ecija, at hilagang Aurora.
Inaasahang kikilos ang bagyo pa-silangan at posibleng mag-landfall sa Ilocos Sur o La Union ngayong Miyerkules ng hapon o gabi bago tumawid sa Northern at Central Luzon sa Huwebes.
Hindi rin isinasantabi ng PAGASA na maaari pang lumakas ang bagyo at maging tropical storm sa loob ng susunod na 12 oras bago mag-landfall. | via Bombo John Florez










