Humina na bilang low-pressure area (LPA) ang dating Tropical Depression Luis, ayon sa 11:00 p.m. tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.
Batay sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa bisinidad ng Peñablanca, Cagayan. Taglay parin nito ang central pressure na 1002 hPa at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Tinanggal narin ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.
Gayunpaman, nagbabala ang PAGASA na magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa ilang lugar sa Luzon.
Inaasahang makatatanggap ng 100 hanggang 200 milimeter na ulan ang La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Zambales at Bataan hanggang Martes ng gabi.
Ayon sa weather bureau, mataas ang posibilidad ng malawakang pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar at malapit sa mga ilog. Posible rin ang pagguho ng lupa sa mga lugar na apektado ng LPA.
Samantala, inaasahan namang makakaranas ng 50 hanggang 100 milimeter na ulan ang Ilocos Sur, Ifugao, Mountain Province, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Cavite at Batangas.
Posible ring magkaroon ng localized flooding sa mga mabababang lugar at malapit sa mga ilog, habang posible rin ang landslide at pagguho ng lupa.| via Bombo John Florez










