Sa kabila ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda ngayong Mayo, inilarawan ni Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao, National Chairperson ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), na nasa “pinakamababang antas” ang sektor ng agrikultura sa bansa. Sa isang panayam, binigyang-diin ni Casilao ang kabalintunaan na ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa ngunit 2.3% lamang ang ambag nito sa GDP.
Ayon kay Casilao, halos dumoble ang cost of production sa pagsasaka ng palay. Mula sa ₱60,000 kada ektarya noong nakaraang taon, pumalo na ito sa ₱95,000 ngayong Abril 2026 dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at farm inputs.
Sa kabila ng napakamahal na puhunan, idinaing ni Casilao ang napakababang buying price ng palay na nasa ₱14 hanggang ₱18 lamang kada kilo, malayo sa sinasabi ng National Food Authority (NFA) na ₱24 hanggang ₱25. Binatikos din niya ang kawalan ng murang bigas sa mga palengke, kung saan ang ₱20 na bigas ay sa mga limitadong Kadiwa stores lamang matatagpuan habang umaabot sa ₱50-₱60 ang retail price sa labas.
Tinukoy ng UMA ang patuloy na importasyon bilang malaking dagok sa mga lokal na magsasaka. Sa datos ni Casilao, may 400,000 metric tons na imported na bigas ang pumasok nitong Mayo kasabay ng harvest season. Sinisi rin niya ang Rice Liberalization Law sa paghina ng tungkulin ng NFA at ang patuloy na pagliit ng lupang sakahan—mula 7 milyong ektarya noong 1995 patungong mas mababa sa 3 milyong ektarya na lamang ngayon.
Mariing iginiit ni Casilao na subsidyo at hindi pautang ang kailangan ng mga magsasaka. Isinusulong ng kanilang grupo ang ₱50,000 na government subsidy para sa production capital upang hindi mabaon ang mga magsasaka sa utang sa mga financier o “5-6”. Binatikos din niya ang prayoridad sa pambansang budget kung saan mas inuuna ang pagbabayad ng utang sa labas at AFP modernization kaysa sa agrikultura.
Bilang tugon sa nararanasang Super Niño, hinikayat ni Casilao ang mga magsasaka na magsagawa ng “bungkalan” o kolektibong pagsasaka upang magtulungan sa paghahanap ng alternatibong patubig. Sa huli, nanawagan siya ng pananagutan sa gobyerno hinggil sa bilyon-bilyong pondo na dapat sana ay nakalaan sa mga “tagalikha ng pagkain” na sila mismong nakararanas ng gutom.










