Tiniyak ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na hindi maaaring ipasa sa ibang bahagi ng electricity bill ang systems loss charges kapag tuluyang inalis ang naturang singil sa mga konsyumer.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag matapos pangambahan ng ilang consumers na baka mabawi lamang ng mga electric company ang mawawalang systems loss charge sa pamamagitan ng pagtataas ng distribution, supply o iba pang singil.
Ayon kay Tulfo, malinaw sa Senate Bill No. 2486 o “Systems Loss Charge Removal Act” na hindi maaaring i-recover ng distribution utilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng iba pang charges.
Kabilang dito ang distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges at subsidies, gayundin ang iba pang bahagi ng electricity bill.
“Nakinita na namin ’yang lusot na ’yan at hindi ’yan puwede,” ani Tulfo. Aniya, hindi maaaring alisin ang systems loss charge sa isang bahagi ng bill ngunit isingit lamang ang parehong gastos sa ibang singil.
Ini-sponsor ni Tulfo sa plenaryo noong Setyembre 22 ang panukala, na kabilang sa mga priority measure ng administrasyon.
Iginiit ng senador na hindi dapat pasan ng mga konsyumer ang halaga ng kuryenteng hindi naman nila nagamit, lalo na kung nagmumula ang losses sa problema sa pamamahala o kagamitan ng mga electric utility.
“Bakit kailangan konsyumer ang sasalo ng kuryenteng di naman niya ginamit?” tanong ni Tulfo.
Hinimok niya ang mabilis na pag-usad ng panukala upang tuluyang maalis ang systems loss charge at maprotektahan ang mga konsyumer laban sa posibleng paglilipat ng naturang gastos sa ibang bahagi ng kanilang bill.
Aniya, pangunahing pangangailangan ang kuryente kaya dapat tiyaking maayos ang serbisyo at patas ang singil sa mga mamimili.










