DAGUPAN CITY- Masaklap kung isalarawan ng magsasaka mula Nueva Ecija ang pamamahagi ng gobyerno ng cash aid o ayuda sa mga apektadong sektor ngayong nagsisitaasan ang presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, hindi niya nakikitang pantay ang pamamahagi ng sabsidiya dahil sa maliit lamang ang matatanggap ng mga magsasaka kumpara sa transport sector.
Aniya, “Goodluck” na lamang kung mas maliit ang ibibigay para sa mga gumagawa ng pagkain sa bansa.
Aabot lamang kase sa lagpas P2,000 ang matatanggap ng bawat magsasaka at mangingisda habang P5,000 naman sa jeepney at tricycle drivers.
Bukod pa riyan, sa kupad ng pamamahagi ng ayuda ay hindi malabong matatanggap na nila ito kung kailan tapos na ang anihan.
Samantala, sinabi naman ni Cabuyaban na hindi naman gaanong pasanin para sa mga magsasaka ng Nueva Ecija ang pagtaas ng produktong petrolyo kung maayos lamang ang daloy ng irigasyon sa kanilang mga sakahan.
Bagaman inayos na ito matapos ang pagkakadiskaril, bungad lamang ang kadalasang nadadaluyan at pahirapan na sa ilang bahagi ng probinsya.
Dahil dito, napipilitan gumamit na lamang ng bombang patubig ang ilang magsasaka at nadaragdagan ng 10-15% na gastos para sa gasolina.










