Binigyang-diin ni Volt Bohol, Presidente ng August Twenty-One Movement (ATOM), ang kaniyang mga obserbasyon at kritisismo hinggil sa sorpresang tatlong-araw na kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC).

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, hayagang tinawag ni Bohol ang naturang pagkilos bilang “freedom from accountability” sa halip na isang tunay na pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa. Ayon sa kaniya, bagaman iginagalang ang karapatan ng bawat grupo na magprotesta, malinaw na ang ugat ng kilos ng INC ay ang mga kasong isinampa laban kay Senator Rodante Marcoleta, na isang kilalang miyembro ng naturang organisasyon.

Kinuwestiyon ni Bohol ang tila lapses ng mga tagapagpatupad ng batas pagdating sa intelligence funds ng gobyerno. Ipinagtaka niya kung bakit hindi naramdaman o nalaman ng mga otoridad ang naturang surprise rally na nagdulot ng matinding perwisyo sa mga motorista at commuters sa EDSA. Aniya, kung ang isang malaking grupo ay nagawang makapagsagawa ng ganitong discreet na pagkilos nang hindi nalalaman ng pulisya, paano pa kaya kung ito ay banta ng terorismo.

--Ads--

Ipinunto rin ng ATOM president ang pagkakaiba sa protocol ng pagkuha ng permit. Ayon sa kaniya, ang SOP ng ATOM sa kasalukuyang panahon ay ang kumuha ng permit upang maiwasan ang abala sa mga drayber at pedestrian. Gayunpaman, binatikos niya ang tila pagkakaroon ng double standard o espesyal na pagtrato sa mga rally na pabor o may koneksyon sa mga alyado ng makapangyarihan.

Isa sa pinakamadiing komento ni Bohol ay ang paggamit ng mga lider ng naturang grupo sa “Laban” sign (L-sign). Ayon sa kaniya, “hallowed ground” ang EDSA para sa mga freedom fighters na nagpabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986. Tinawag niyang “ironic” at “dramatic” ang paggamit ng nasabing simbolo ng mga taong dati rati ay sumisira sa legasiya ng EDSA Revolution at ng mga Aquino.

Aniya, tila ginagamit lamang ang mga simbolong ito kung kailan convenient para sa kanilang political agenda, kahit pa dati nilang dine-demonize ang yellow movement.

Bagaman hindi sang-ayon sa motibo ng rally, inamin ni Bohol na hindi niya masisisi ang publiko kung may perception ng selective justice ang kasalukuyang gobyerno. Binanggit niya na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kinakasuhan o inaarestong matataas na opisyal na direktang alyado ng Malacañang, tulad ng mga naunang pangako hinggil sa mga alegasyon laban kay dating Speaker Romualdez.

Nagbabala rin ang ATOM na ang ganitong mga pagkilos ay tila paghahanda o “pre-empting” sa mga susunod na hakbang sa pulitika, partikular na ang usapin ng impeachment trial laban sa Bise Presidente sa susunod na linggo. Ayon kay Bohol, ang kawalan ng pagsunod sa batas at ang gulo sa pulitika ay magdudulot ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa at lalong magpapahirap sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.