Tinutulan umano ng mga kongresista sa House of Representative na pirmahan ang bersyon ng Senado na i-institutionalize ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) dahil sa probisyong nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na makibahagi sa pamamahagi ng ayuda.

Ayon ‘yan kay Senator Erwin Tulfo dahil nagkaroon aniya ng “deadlock” o hindi pagkakasundo dahil sa kontrobersyal na “anti-epal provision.”

Aniya sa isang pahayag sa media matapos ang special session ngayong Miyerkules sa Senado, ”Parang ayaw nila ‘yung anti-epal, nilagyan natin ng anti-epal kasi; parang practice na nila. Ito ‘yung ginagamit ‘pag election; [na] pamimigay [ng] AICS. Inalis natin ‘yun.”

--Ads--

”Since DSWD pako nakikita natin ‘yun, pinagbawal ko sa mga politiko. Tapos ngayon gusto nilang alisin nga ‘yung provisions na bawal ang politiko,” dagdag ni Tulfo.

Layunin aniya ng naturang probisyon na maiwasan ang paggamit ng ayuda sa pamumulitika o “political patronage,” na aniya ay matagal nang isyu sa implementasyon ng programa.

Ayon pa sa senador, malinaw sa naturang probisyon na bawal sa mga halal na opisyal at kawani ng gobyerno ang direktang pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang AICS kasi ay isang programa ng DSWD na naglalayong magbigay ng pinansyal na tulong sa mga indibidwal na nasa krisis, kabilang ang gastusing medikal at iba pang biglaang pangangailangan. Si Tulfo ay dating pinuno ng ahensiya bago ito naging senador.

Ipinaliwanag din ng senador ang konsepto ng “epal,” isang salitang balbal na tumutukoy sa mga pulitikong umano’y sumisingit o nagpapapansin sa mga aktibidad na hindi naman kinakailangan ang kanilang presensya.

Giit pa ni Tulfo, hindi dapat kasama ang mga pulitiko sa distribusyon ng ayuda dahil ito ay galing sa pondo ng gobyerno at dapat na ipinatutupad lamang ng mga ahensya tulad ng DSWD.

Ang AICS bill ay kabilang sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layong gawing batas ang programa at tiyakin ang regular na pondo para dito.

Dahil sa hindi pagkakasundo, inaasahang muling tatalakayin ang panukala sa bicameral conference committee upang mapagkasundo ang bersyon ng Senado at Kamara.