Dagupan City – Anim na micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa Pangasinan ang nakilahok sa Manila FAME 2026 upang itampok ang mga produktong likha ng mga lokal na negosyante.

Ayon kay Assistant Regional Director Natalia Dalaten ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 1, ang anim na exhibitors ay mga piling MSME na nakatugon sa mga itinakdang requirement at specification sa product development.

Paliwanag ni Dalaten, dumaan sa serye ng product development ang mga produkto, kabilang ang mga inobasyon at pagpapahusay sa disenyo upang matugunan ang pamantayan ng eksibisyon.

Kabilang sa mga produktong itinampok ang mga non-food item na sumailalim din sa pagsusuri at pagbuo ng mga prototype sa tulong ng mga designer.

Nagmula ang mga kalahok sa Bolinao, San Carlos City, Alaminos City na may dalawang kinatawan, Basista, at Umingan.

Ang ilan sa mga ito ay nakilahok na rin sa mga international exhibition.

Samantala, ayon kay Project Abound founder Arlyn Grace Guico, taun-taon ay nagbibigay sila ng mga mungkahing disenyo sa mga kalahok, ngunit nakasalalay pa rin sa mga negosyante kung susundin nila ang mga ito.

Aniya, mahalaga ang determinasyon at kahandaang pagbutihin ang kanilang mga produkto.

Dagdag pa ni Guico, may ilang kalahok nang apat na taon na nilang nakakasama sa programa, at kapansin-pansin umano ang pag-unlad ng kanilang mga produkto sa paglipas ng panahon.