Napaluha ang American teenager na si Iva Jovic habang pinag-uusapan ang kanyang kaibigang si Alex Eala, na kanyang nakalaban at tinalo sa isang kapana-panabik na three-set match upang umabante sa Round of 16 ng US Open.
Nalagpasan ni Jovic ang kapwa batang tennis sensation mula sa Pilipinas sa isang matinding laban na tumagal nang tatlong oras nitong Sabado. Dahil dito, makakaharap niya sa susunod na round ang fourth-seeded at dating US Open champion na si Coco Gauff.
Sa iskor na 7-5, 3-6, 7-5, nanaig ang No. 14 seed na si Jovic kontra No. 17 seed na si Eala matapos ang tatlong oras at tatlong minutong laban.
Naging memorable ang Arthur Ashe Stadium debut ng dalawang itinuturing na bagong bituin ng women’s tennis. Umabot sa 17 service breaks sa loob ng 33 games ang kanilang laban.
Ani Jovic, karapat-dapat lamang na sa naturang court idaos ang kanilang matinding sagupaan dahil sa paraan ng pagtatapos nito.
Matapos maselyuhan ang kanyang panalo, hindi agad naghintay si Eala sa net, gaya ng karaniwang ginagawa ng mga manlalaro pagkatapos ng laban. Sa halip, nilibot niya ang court upang batiin ang kanyang kaibigan.
Nang tanungin si Jovic tungkol sa ginawa ni Eala naiiyak siyang sinabu na ipinakita ni Eala kung sino siya bilang tao—na pagkatapos ng ganoong klaseng laban ay lumapit pa rin siya para siya ay yakapin at batiin ng magandang kapalaran.
Dagdag pa niya, ipinakita rin umano ni Eala ang kanyang kabutihan kahit sa mga sandaling wala nang nakatingin sa kanila.
Sa Round of 16, makakaharap ni Jovic ang kanyang kababayang si Coco Gauff, ang 2023 US Open at 2025 French Open champion.
Sa kabila ng bigat ng susunod niyang hamon, determinado si Jovic na ipagpatuloy ang laban.










