Tahasang kinondena ni Robert Mendoza, National Coordinator ng Alliance of Health Workers (AHW), ang kasalukuyang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa bansa matapos mag-viral ang kwento ng isang pamilyang hindi umano nakakuha ng benepisyo mula sa PhilHealth dahil hindi umabot ng 24 oras ang confinement ng pasyente bago ito pumanaw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Mendoza na ang ganitong mga insidente ay nagpapakita ng kakulangan sa impormasyon at maling implementasyon ng mga polisiya. Bagaman may mga pahayag ang pamunuan ng PhilHealth at Department of Health (DOH) na dapat ay sakop ang mga ganitong kaso, iginiit ni Mendoza na dapat ay awtomatikong covered ang bawat miyembro sa sandaling pumasok sila sa emergency room o outpatient department.

Naging mitsa ng diskusyon ang viral post ni Maria Lourdes Sulit tungkol sa kanyang asawa na pumanaw dahil sa brain hematoma. Sa kabila ng pagiging “lifelong member” at 25 taong kontribusyon, hindi umano nagamit ang PhilHealth dahil sa “24-hour policy,” habang ang bayarin sa ospital ay umabot sa Php 200,000 sa loob lamang ng isang araw.

--Ads--

Ayon kay Mendoza, ang ganitong polisiya ay maituturing na “anti-poor” dahil imbes na makatulong ay lalo pang nagpapahirap sa mga mamamayan. Binanggit din niya ang umiiral na Republic Act 10932 o Anti-Hospital Deposit Law, kung saan bawal ang paghingi ng deposito bago gamutin ang pasyente, lalo na sa mga emergency cases.

Kinuwestiyon din ng AHW ang paglilipat ng nasa Php 60 bilyon hanggang Php 80 bilyong pondo ng PhilHealth patungo sa National Treasury. Ayon kay Mendoza, ang pondong ito ay dapat sana ay ginamit para sa libreng serbisyong medikal at pambayad sa Health Emergency Allowance (HEA) ng mga health workers na hanggang ngayon ay marami pa ring hindi nakakatanggap.

Nanawagan ang grupo na itaas ang budget sa kalusugan sa 5% ng Gross Domestic Product (GDP), alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), mula sa kasalukuyang 1.2% lamang.

Dahil sa mga isyung ito, hayagang hiling ni Mendoza ang pagpapalit sa pamunuan ng DOH, partikular na kay Sec. Ted Herbosa, dahil sa kawalan umano ng dayalogo sa mga manggagawang pangkalusugan at ang pagsusulong ng mga polisiya ng pribatisasyon. Isinusulong din ng grupo ang pagbuwag sa PhilHealth kung hindi nito magagarantiyahan ang direktang tulong sa mga ospital at pasyente.