Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers – Philippines sa pamahalaan na agarang magbigay ng psychosocial at mental health support sa mga naapektuhang mag-aaral at kawani ng paaralan matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ruby Bernardo – National Chairperson ng naturang grupo tinatayang mahigit 3.2 milyong mag-aaral at mahigit 100,000 guro at education personnel ang naapektuhan ng nasabing lindol.

Aniya, malaki ang naging epekto nito partikular sa mga estudyante at guro, lalo na’t naganap ito sa unang araw ng pasukan.

--Ads--

Kaugnay nito, pinuri ni Bernardo ang dedikasyon ng mga guro na agad na nagsagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang mga estudyante sa gitna ng panganib.

Ikinuwento rin niya na maraming guro ang inuna ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante kahit nag-aalala rin sila para sa kanilang sariling mga anak na nasa bahay o nasa ibang paaralan.

Dahil dito, sinabi ng ACT na hindi lamang pisikal na pinsala ang dapat tugunan kundi maging ang trauma na naranasan ng mga guro at mag-aaral.

Samantala, binanggit ni Bernardo na nagdesisyon ang Department of Education (DepEd) na kanselahin muna ang face-to-face classes sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang mga aftershock.

Bagama’t mahalaga ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa panahon ng kalamidad, iginiit niya na dapat unahin ang kaligtasan ng mga bata.