Gumawa ng malaking upset ang Alas Pilipinas Women matapos nitong talunin ang powerhouse na Vietnam, 22-25, 25-23, 25-21, 25-22, sa ikalawang leg ng 2026 SEA V Cup sa 700th Anniversary Stadium sa Thailand.
Pinangunahan ng mga batang manlalaro ang matagumpay na laban ng pambansang koponan, kung saan nanguna si Eya Laure na may team-high na 22 puntos.
Nag-ambag naman sina dating NU Lady Bulldogs na sina Alyssa Solomon at Bella Belen ng 17 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa dikit na laban at tabla sa 22-all, parehong nagpakita ng galing sina Laure at Belen upang tulungan ang Alas Pilipinas na makuha ang mahalagang kalamangan.
Si Belen ang unang bumasag sa tabla matapos magpakawala ng malakas na atake mula sa kaliwang pakpak para sa 23-22 na kalamangan.
Sinundan naman ito ni Laure na nagtapos sa isang mahabang rally upang makuha ng Pilipinas ang match point, 24-22. Sa sumunod na play, hinarang ni Laure ang running attack ng middle blocker ng Vietnam upang tuluyang isara ang laban sa apat na set.
Ang panalo ang unang tagumpay ng Alas Pilipinas Women sa 2026 SEA V Cup matapos itong mabigong manalo sa unang leg ng torneo.
May pagkakataon pa ang Pilipinas na makakuha ng puwesto sa podium dahil makakaharap nito ang Indonesia ngayong araw sa kanilang susunod na laban.










