Nagbabala ang isang cybersecurity expert na maaaring gamitin ang artificial intelligence (AI) sa paglikha ng mga materyal na may layuning magpalaganap ng propaganda, kasunod ng pagkalat sa social media ng isang animated video na iniuugnay sa China Daily at may kaugnayan sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Tzar Umang, cybersecurity specialist, na batay sa kanyang pagsusuri, ang naturang video ay hindi simpleng in-edit gamit ang AI kundi gumamit ng AI-generated animation sa kabuuan ng produksyon nito.
Binigyang-diin niya na ang AI ay isa lamang kasangkapan at hindi likas na mabuti o masama. Aniya, ang tunay na isyu ay ang layunin ng taong gumagamit ng teknolohiya.
Ipinaliwanag din ni Umang na sa kasalukuyan ay madali nang makalikha ng maiikling AI-generated videos gamit ang mga available na online tools. Ayon sa kanya, kahit ang ilang libreng AI applications ay kayang gumawa ng ganitong uri ng animation, bagama’t mas mataas ang kalidad ng output mula sa mga bayad na serbisyo.
Ayon pa sakanya, isa sa pinakamalaking hamon sa mga ganitong uri ng content ay ang mabilis nitong pagkalat sa social media.
Kapag na-upload na aniya ang isang video sa pampublikong platform, maaari itong i-download, i-reupload, at muling ibahagi ng sinuman, dahilan upang maging mahirap itong tuluyang alisin sa internet.
Bagama’t maaari umanong hilingin ng pamahalaan na alisin ang naturang video sa orihinal na pinanggalingan at sa mga social media platform, sinabi niyang mangangailangan ito ng sapat na ebidensiya upang mapatunayang lumalabag ang nilalaman sa mga umiiral na patakaran.










