Dagupan City – Pinaigting ng Aguilar Police Station ang kanilang monitoring at koordinasyon sa gitna ng patuloy na banta ng Bagyong Inday upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga residente ng bayan.

Sa pangunguna ni PMAJ Mark Ryan C. Taminaya, Officer-in-Charge ng Aguilar Police Station, nagsagawa ng pakikipag-ugnayan ang mga pulis sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Aguilar upang masubaybayan ang lagay ng panahon at ang posibleng epekto ng bagyo sa iba’t ibang bahagi ng munisipyo.

Layunin ng patuloy na koordinasyon na mapalakas ang disaster response efforts ng mga kinauukulang ahensya at matiyak ang agarang pagtugon sakaling magkaroon ng mga insidenteng dulot ng masamang panahon. Kabilang dito ang pagbabantay sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang panganib.

--Ads--

Patuloy ring nakahanda ang Aguilar Police Station na umalalay sa mga operasyon ng MDRRMO at iba pang lokal na tanggapan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga hakbang sa panahon ng kalamidad.

Hinihikayat naman ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, at agad na iulat ang anumang emergency upang mapanatili ang kaligtasan ng buong komunidad habang umiiral ang banta ng Bagyong Inday.