Dagupan City – Nagsagawa ng Oplan Bandillo ang Aguilar Police Station bilang bahagi ng patuloy na kampanya para mapalakas ang seguridad at maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw at akyat-bahay sa komunidad.
Pinangunahan ni PMAJ Mark Ryan C. Taminaya, OIC ng Aguilar Police Station, ang aktibidad na nakatuon sa pagbibigay ng mga paalala at safety tips sa publiko upang maprotektahan ang kanilang mga tahanan at ari-arian.
Kabilang sa mga paalala ang pagpapanatiling nakakandado nang maayos ang mga pintuan at bintana, lalo na kapag walang tao sa bahay, at pag-iwas sa paglalagay ng mahahalagang gamit sa mga lugar na madaling makita o maabot mula sa labas.
Hinimok din ang mga residente na manatiling mapagmatyag at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o indibidwal sa kanilang lugar upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng komunidad.










