Students attend a flag raising ceremony before singing the national anthem at a government school in Manila on June 2, 2014. The 2014-15 school year officially opened on June 2 with up to 20 million students trooping to public elementary and high schools. AFP PHOTO / Jay DIRECTO

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) – Philippines kaugnay ng mga ulat ng karahasan sa loob ng mga paaralan at ang lumalalang kondisyon ng mga guro sa pagsisimula ng School Year 2026-2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng ACT, binigyang-diin niya na ang kamakailang insidente ng pananaksak sa loob ng isang eskwelahan ay isang “urgent call” para sa gobyerno na tugunan ang kakulangan sa staffing at suporta sa mga paaralan.

Ayon kay Bernardo, kulang na kulang ang bilang ng mga security personnel at mental health professionals sa mga paaralan. Binanggit niya na sa kasalukuyan, mayroong 96,000 na kakulangan sa education support personnel sa mga pampublikong paaralan. Kung susundin naman ang mithiing magkaroon ng tatlong mental health professionals bawat paaralan, aabot sa 300,000 ang kailangang i-hire ng gobyerno.

--Ads--

Naniniwala ang ACT na ang “culture of violence” ay hindi mareresolba ng dahas din o ng presensya ng mga armadong pulis sa loob ng eskwelahan, na maaari lamang magdulot ng takot sa mga bata. Sa halip, kailangan ang holistic na edukasyon, psychosocial support, at sapat na gabay mula sa mga eksperto at magulang.

Bagama’t dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang magbukas ang klase, inihayag ni Bernardo na “pagod na pagod” na ang mga guro. Malayo umano ito sa pangako ng Department of Education (DepEd) na gagaan ang trabaho sa ilalim ng bagong sistema.

Ilan sa mga pangunahing hinaing ng mga guro ay ang kakulangan ng learning materials sa mga paaralan. Dahil sa mabagal na pagdating ng mga aklat at iba pang babasahin, marami sa kanila ang napipilitang gumamit ng sariling pamamaraan at mag-abono para lamang matiyak na may sapat na kagamitang pampagkatuto ang kanilang mga estudyante.

Bukod dito, inirereklamo rin ang lumalalang teaching load ng mga guro, kung saan mula sa dating anim na klase ay umaabot na sa pito hanggang walong klase ang kanilang hinahawakan.

Kinukuwestiyon din ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang paggamit ng ₱8.9 bilyong pondo para sa ARAL Program, dahil sa kabila ng inilaan na badyet ay mga guro pa rin umano ang nagsisilbing tutors at gumagastos para sa mga kinakailangang kagamitan, sa halip na magkaroon ng hiwalay na non-DepEd tutors.

Ayon sa grupo, mahalagang tugunan ang krisis sa edukasyon, lalo na sa harap ng pinsala sa mga imprastraktura sa Mindanao na nakaapekto sa humigit-kumulang 3.7 milyong mag-aaral.

Sa darating na State of the Nation Address (SONA), hiling ni Bernardo kay Pangulong Bongbong Marcos na unahin ang sektor ng edukasyon at ibigay ang hirit na pagtataas ng entry-level salary ng mga guro sa ₱50,000, katulad ng pagpapahalagang ibinigay sa mga pulis at sundalo.