Labis ang nararamdamang kasiyahan ng mga anak ni Mary Jane Veloso matapos pirmahan ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang kanyang Absolute Pardon upang tuluyan na itong makalaya at makasama ang kanyang pamilya.

Sa ekslusibong panayam ng Bambo Radyo Dagupan, kina Mark Daniel at Mark Darren Veloso Candelaria, hindi maipaliwanag ang kanilang nararamdaman at hindi makapaniwala dahil makakasama na nila ang kanilang ina matapos magkawalay sa loob ng 17 taon.

Sinabi ni Mark Darren na huling nabisita nila ito sa piitan dalawang buwan na ang nakalilipas.

--Ads--

Ayon naman kay Mark Daniel, buo ang tiwala nilang makakauwi sa piling nila ang kanilang ina ngunit hindi sigurado kung kailan kaya’t sila ay nagulat nang malaman ang balita.

Saad pa niya na hindi na ito basta na lamang panaginip bagkus ay totoo na.

Samantala, susulitin na umano nila ang pagkakataon na makasama nila ito para makabawi sa halos dalawang dekadang pagkakawalay.

Nangako ang mga anak nito na pagpapahingain ang kanilang ina at ipagluluto araw-araw para maipadama ang kanilang pagmamahal.

Maituturing ng pamilya ni veloso na ito ay maagang pamasko para sa kanila.

Dahil dito, Nagpasalamat sila kay Pangulong Marcos Jr., Migrante International at mga taong sumuporta sa kanila kabilang si dating senador Manny Pacquiao na tumulong para makapagpatayo ng bahay sa lalawigan ng Nueva Ecija.