Walang inaasahang taas-singil sa tubig sa bayan ng Manaoag sa kabila ng nararanasang banta ng El Niño phenomenon at pagtaas ng konsumo ng tubig.
Ito ay kasabay ng pagtataas ng water rates sa ilang lugar dito sa lalawigan.
Sa isang panayam, kinumpirma ito ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na batay sa kanyang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Manaoag Water District (MANWAD) kamakailan, wala pa silang plano na magpatupad ng rate increase at sinisikap nitong mapanatili ang kasalukuyang singil habang kaya pa ng kanilang operasyon.
Binigyang-diin ni Rosario ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng MANWAD, kung saan tiniyak niyang maglalabas sila ng maagang abiso sa publiko sakaling magkaroon ng anumang pagbabago sa singil.
Bagama’t nananatiling sapat ang water pressure sa bahagi ng Poblacion, inamin ng alkalde na may ilang isolated na suliranin sa suplay at kalinawan ng tubig, partikular sa matataas na lugar gaya ng Barangay Pugaro.
Gayunpaman, pinuri nito ang mabilis na pagtugon at paglalabas ng abiso ng water district upang maaksyunan ang mga nasabing reklamo.
Kasabay nito, nanawagan si Rosario sa kanyang mga kababayan na patuloy na manalangin at maghanda sa posibleng mas matinding init ng panahon mula Enero hanggang Marso, alinsunod sa ulat ng PAGASA.










