Ipinaliwanag ni DECORP Chief Operating Officer Atty. Randy Castilan na tumaas ng seventy-five centavos ang singil sa kuryente ngayong Nobyembre, kaya umabot na sa twelve pesos and ten centavos ang all-in overall rate. Sakop ng bill na lumabas noong Nobyembre 10 ang period na Setyembre 20 hanggang Oktubre 26, kung saan nakaapekto ang kainitan ng panahon, pagtaas ng fuel cost, at pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Posible namang bumaba ang singil sa Disyembre dahil ang susunod na billing period na Oktubre 26 hanggang Nobyembre 26 ay nakaranas ng sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng petrolyo at paglamig ng panahon. Kung hindi na rin masyadong makakaapekto ang palitan ng piso kontra dolyar, hindi na ito masyadong magtutulak pataas sa presyo ng kuryente.
Kaugnay ng pagtaas ng demand ngayong Disyembre at ng inaasahang Super El Niño sa 2027, sinabi ni Castilan na kapag tumataas ang demand at mainit ang panahon ay napipilitang paganahin ang mas mahal na mga planta. Ngunit dahil medyo lumamig na ang panahon at nagsimula pa lang ang paggamit ng mga dekorasyon, hindi aniya magiging masyadong significant ang anumang pagtaas.
Nilinaw din niya na noong Nobyembre 26 ang deadline para sa mga nag-avail ng No Disconnection Policy na hindi nakabayad mula Mayo hanggang Hulyo. Marami na aniya ang nag-settle, ngunit may mga naiwan pa rin na maaari nang ma-disconnect anumang oras kung hindi pa makakabayad.
Para naman sa mga hindi pa bayad na bill mula Agosto hanggang Oktubre, itinakda ang deadline sa Disyembre 26. Nanawagan si Castilan sa mga konsyumer na unti-unti nang magbayad upang hindi ito umabot sa putulan pagpasok ng 2027.










