Dagupan City – Arestado ang isang 34-anyos na lalaki na kabilang sa Street Level Individual (SLI) matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Urdaneta City Police Station.
Kinilala ang suspek na walang trabaho, may kinakasama, tubong Rosales, Pangasinan, at kasalukuyang naninirahan sa lungsod ng Urdaneta.
Batay sa ulat ng pulisya, isinagawa ng mga operatiba ng nasabing istasyon ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang (5) heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.79 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na ₱5,372.00.
Narekober din mula sa kanya ang isang (1) tunay na ₱500.00 bill na ginamit bilang buy-bust money at isang (1) brown leather coin purse.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng pinangyarihan at sinaksihan ng suspek pati na rin ng mga mandatory witness, alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng Urdaneta CPS ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










