Magsasagawa ng Technical Advisory Visit Orientation at First Aid Training ang Department of Labor and Employment Regional Office I – Central Pangasinan Field Office sa Mangaldan. Gaganapin ito sa Biyernes, Nobyembre 27, alas-otso ng umaga sa Macario Ydia Development Center. Isasagawa ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit ng Mangaldan.
‎
‎Inaanyayahan ang lahat ng may-ari ng micro-establishment sa Mangaldan na may isa hanggang siyam na empleyado na lumahok sa aktibidad. Isang kinatawan lamang ang pinapayagan kada establisyimento. Sa pamamagitan ng Public Employment Service Office ng Mangaldan, hinihikayat ang mga may-ari na samantalahin ang pagkakataon upang matuto at makasunod sa mga patakaran.
‎
‎Layunin ng orientation na palakasin ang kakayahan ng mga micro-establishment sa pagsunod sa labor laws, occupational safety and health regulations at social welfare benefits. Sa pamamagitan ng Technical Advisory Visit, mabibigyan ng gabay ang mga employer upang mas maging maayos at ligtas ang kanilang mga lugar ng trabaho.
‎
‎Kasabay ng orientation, isasagawa rin ang first aid training upang maturuan ang mga kalahok ng pangunahing kasanayan sa first aid response sa kanilang workplace. Inaasahang makatutulong ang pagsasanay upang mas maging handa ang mga establisyimento sa pagtugon sa anumang aksidente o emergency sa trabaho.