Hinimok ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga mamamayang Pilipino hinggil sa mas malalim pang pagkilala sa buhay, prinsipyo at ambag ni Andres Bonifacio sa pagdiriwang ng Bonifacio Day sa Lunes, Nobyembre 30 .

Ayon kay Eufremio Agbayani III, Historic Sites Development Officer ng NHCP, mahalaga umanong maunawaan partikular ng mga kabataan ang mga akda ni Bonifacio na sumasalamin sa kaniyang mga pananaw hinggil sa kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas bago pa man dumating ang mga Espanyol.

Dagdag pa ni Agbayani, dapat ding kilalanin si Bonifacio hindi lamang bilang pinuno ng Katipunan kundi bilang isa ring makabayang manunulat at tagapagtaguyod ng kalayaan.

--Ads--

Binigyang diin naman ni Agbayani na mahalagang isabuhay ng bawat Pilipino ang kanilang katapatan sa bansa sa pamamagitan ng pakikilahok sa pagsugpo suliraning panlipunan kabilang ang korapsyon, hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, impluwensya ng mga dayuhan at paglabag sa karapatan ng mga kababaihan na aniya ay nananatiling hamon ng bansa na umiiral na noong panahon ni Bonifacio.

Kaugnay nito, inaanyayahan ng NHCP ang publiko na makilahok sa mga aktibidad para sa paggunita ng Bonifacio Day na may temang “Maging Tapat sa Gawa, Maging Tapat sa Bayan” kabilang ang mga seremonya sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pagbisita sa Museo ng Katipunan sa Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City.