Tumanggap ng gawad pagkilala ang Bombo Radyo Dagupan bilang isa sa mga Valued Broadcaster Partner ng Social Security System (SSS) sa isinagawang Araw ng Pagkilala Regional Excellence Awards 2026 noong Nobyembre 26 sa Monarch Hotel, Calasiao, Pangasinan.
Iginawad ang pagkilala bilang pagpapahalaga sa naging suporta at pakikipagtulungan ng himpilan sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga programa, benepisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng SSS sa publiko.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Engr. Primitivo Verania Jr., SSS Dagupan Branch Head, ang mahalagang papel ng mga katuwang na ahensiya, lokal na pamahalaan, employers at media organizations sa pagsusulong ng social protection para sa bawat Pilipino.
Ayon sa kanya, mahalaga ang kolektibong suporta ng mga partner at stakeholder upang mapalawak ang saklaw ng pagiging miyembro, mapahusay ang pangongolekta ng kontribusyon, mapalakas ang pagsunod sa mga patakaran at higit pang mapabuti ang serbisyo ng SSS.
Kabilang sa mga kinilala sa naturang pagtitipon ang mga media partner na tumutulong sa pagbibigay-kaalaman at pagpapalawak ng pang-unawa ng publiko hinggil sa kahalagahan ng social security at mga benepisyong maaaring matanggap ng mga miyembro.
Nagsilbi rin ang aktibidad bilang pagkilala sa patuloy na kontribusyon ng mga katuwang ng SSS sa pagsusulong ng proteksiyong panlipunan at pagtataguyod ng mas ligtas na kinabukasan para sa mga manggagawa at kanilang pamilya.










