Ikinatuwa ng mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at pagkakakulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Rubilyn Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, itinuturing nilang mahalagang hakbang ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman upang magpatuloy ang proseso ng paglilitis kay Duterte sa ICC.

Binigyang-diin niyang matagal nang naghihintay ng pananagutan ang mga pamilya ng mga nasawi sa kampanya kontra droga.

Dagdag pa ni Litao, may karapatan ang kampo ng dating pangulo na ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa desisyon ng Korte Suprema, subalit dapat ding kilalanin ang karapatan ng mga pamilya ng mga biktima na makamit ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na ipatupad ang pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa kampanya kontra droga.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang kanilang grupo sa iba pang human rights organizations at mga samahan ng mga biktima upang sama-samang subaybayan ang nakatakdang paglilitis.

Hinimok din ni Litao ang iba pang pamilya ng mga biktima na makipag-ugnayan sa kanilang grupo at magsumite ng mga kinakailangang dokumento upang makalahok sa proseso ng ICC at maiparating ang kanilang mga karanasan.

--Ads--