Nagsagawa ng Zumba activity ang Dagupan City Jail Male and Female Dormitories sa pamamagitan ng programang Juana Fit, Move for Wellness, Stand Against VAW upang palakasin ang kamalayan at pagkakaisa sa kampanya laban sa karahasan sa kababaihan.

Pinangunahan ang aktibidad ng Dagupan City Jail sa pamumuno nina Jail Superintendent Randy A. Batay-an at Jail Chief Inspector Noemi M. Sabalboro, katuwang ang iba’t ibang partner agencies at service providers ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Nakiisa sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa Land Transportation Office (LTO), Bureau of Fire Protection (BFP), DTRC, Public Attorney’s Office (PAO), Probation Office, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), University of Pangasinan, Philippine National Police (PNP), City Library, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang mga katuwang na organisasyon.

--Ads--

Ayon kina JO2 Kathleen Joy C. Noe ng Dagupan City Jail Female Dormitory at JO3 Joyce B. De Guzman ng Male Dormitory, na kapwa Gender and Development (GAD) focal persons, layunin ng programa na itaguyod ang kamalayan at kolektibong suporta ng iba’t ibang ahensiya upang labanan ang lahat ng uri ng karahasan laban sa kababaihan.

Bukod sa Zumba activity, magsasagawa rin ng mga information drive at seminar para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL), partikular sa mga babaeng PDL, upang mapalawak ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang mga karapatan at mga ahensiyang maaari nilang lapitan sakaling makaranas ng pang-aabuso o karahasan.

Kabilang din sa mga nakatakdang aktibidad sa male dormitory ang mga seminar na pangungunahan ng iba’t ibang service providers, na sisimulan sa talakayan tungkol sa family planning sa pakikipagtulungan ng DTRC.

Binigyang-diin ng BJMP na mahalaga ang patuloy na pagbibigay ng kaalaman at rehabilitative programs sa loob ng pasilidad upang matulungan ang mga PDL na maging mas mulat sa kanilang mga karapatan at responsibilidad, maging handa sa kanilang pagbabalik sa komunidad, at makiisa sa pagsusulong ng ligtas at pantay na lipunan.