Naghahanda na ang mga pamilya ng biktima ng war on drugs at ang grupong Rise Up for Life and for Rights para sa pormal na pagdinig sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands sa Nobyembre 30.

Ayon kay Rubylin Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sampung taon nang naghahanap ng hustisya ang mga pamilya ng biktima, at ang trial na ito ang pinakahihintay na pagkakataon upang mapanagot si Duterte sa kasong crimes against humanity.

Sinabi ni Litao na kasama siyang tutungo sa The Hague kasama ang ilang pamilya ng biktima, habang may sabayang pagkilos din dito sa Pilipinas para sa mga hindi makabibiyahe.

--Ads--

Tinalakay din ang seguridad ng mga dadalo, kung saan mahigpit ang seguridad sa ICC at hindi basta-basta makapapasok ang mga tagasuporta. Ipinahayag din ang suporta sa hiling ng prosecution na protektahan ang mga testigo — sa pamamagitan ng paggamit ng alyas, closed session, pag-distort ng boses, at proteksyon para sa kanilang pamilya.

Aminado si Litao na patuloy ang pangha-harass at social media bullying sa mga kaanak ng biktima, pero nananatili ang kanilang determinasyon.

Iginiit din niya na hindi nila ikinababahala ang impluwensiyang politikal ng pamilya Duterte, dahil ang laban nila ay para sa katarungan.

Sa ngayon, umaasa sila sa tulong ng mga defenders at simbahan para sa gastusin ng mga tutungo sa Netherlands, at nananawagan sa publiko na samahan ang mga pamilya sa paghahanap ng hustisya.