Hindi bababa sa 15 katao ang nasawi sa magkakahiwalay na pag-atake ng Russia sa Ukraine, ilang araw matapos magbanta si Russian President Vladimir Putin ng mas matinding pagganti sa mga pag-atake ng Ukraine.
Kabilang sa pinakamalubhang tinamaan ang bayan ng Dymer sa rehiyon ng Kyiv, kung saan bahagyang gumuho ang isang limang-palapag na apartment building matapos tamaan ng Russian drone strike.
Ayon kay Kyiv regional official Tymur Tkachenko, umabot na sa 11 ang nasawi sa naturang insidente matapos makuha ng mga rescuer ang isa pang bangkay mula sa guho.
Kabilang sa mga nasawi ang isang menor de edad.
Patuloy naman ang paghahanap ng mga rescue personnel sa 11 kataong nawawala, kabilang ang dalawang bata, na pinaniniwalaang naipit sa gumuhong gusali.
Samantala, nagpapatuloy ang sunod-sunod na drone at missile attacks ng Russia habang naghahanda ang Ukraine sa panibagong winter season sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan.










