Kinilala ang Lokal na Pamahalaan ng Manaoag bilang isa sa sampung (10) natatanging munisipalidad mula sa 44 na bayan sa lalawigan ng Pangasinan sa ginanap na 2026 Regional SubayBAYANI Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nakamit ng Bayan ng Manaoag, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jeremy “Doc Ming” B. Rosario, ang parangal para sa Exemplary Performance sa ilalim ng Municipal Government Category.

Ito ay bilang pagkilala sa mahusay na pamamahala, pagsubaybay, at pagsusuri ng lokal na pamahalaan upang matiyak na ang bawat proyekto at programa ay maayos na naipatutupad at direktang napapakinabangan ng mga mamamayan.

--Ads--

Personal na tinanggap ang parangal ni OIC-Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC) Aldjumar De Guzman bilang kinatawan ni Mayor Rosario, kasama sina Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Shiela E. Velasquez at Michael C. Alabaso mula sa Municipal Planning and Development Office (MPDO).

Ayon sa lokal na pamahalaan, naging susi sa tagumpay na ito ang pagtatatag ng Project Monitoring and Evaluation Committee (PMEC) sa ilalim ng administrasyong Rosario.

Katuwang ang MPDO, masusing pinangangasiwaan ng komite ang pagdodokumento sa progreso ng mga proyekto sa bayan mula sa implementasyon hanggang sa pagsusumite ng mga ulat sa Results-Based Monitoring and Evaluation (RBME), ang opisyal na online portal ng DILG Subaybayan.

Ang pagkilalang ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang tanggapan at kawani ng LGU Manaoag na maitaguyod ang transparency at accountability, at masiguro ang tapat at bukas na serbisyo publiko para sa bawat Manaoagueño.