Dagupan City – Mahigpit na ipinagbabawal ng pulisya ang paggamit ng illegal na boga, na kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok na maaaring magdulot ng aksidente at pinsala, lalo na sa mga menor de edad.

Ayon kay PltCol Michael S. Datuin, kabilang sa mga pangunahing binabantayan ng mga pulis sa kanilang pagpapatrulya ang paggamit ng boga, partikular tuwing gabi.

Dagdag pa niya, hindi lamang sa mga pangunahing kalsada nakatuon ang kanilang pagbabantay dahil minomonitor din nila ang mga barangay at maging ang mga liblib na lugar upang matukoy ang mga gumagamit nito.

--Ads--

Kapag may nahuling menor de edad na gumagamit o may dalang boga, kinukumpiska ito ng mga pulis at dinadala ang mga sangkot sa himpilan ng pulisya sa Sta. Barbara para sa kaukulang aksyon.

Binigyang-diin ni Datuin na mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring mangyari sa mga kabataan, gayundin ang posibleng panganib nito sa kanilang kalusugan.

Kaugnay nito, patuloy na pinaaalalahanan ng pulisya ang publiko na umiwas sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at makiisa sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kani-kanilang komunidad.