Nasamsam ng National Meat Inspection Service (NMIS) Regional Technical Operation Center 1 ang kabuuang 732.58 kilo ng karne at lamang-loob ng baboy na walang kaukulang dokumento sa isinagawang surveillance at strike operation sa mga bayan ng Mapandan at Laoac, Pangasinan. Ayon kay Dr. Cherrie Ann T. Javier, Officer-in-Charge Regional Technical Director ng NMIS Regional Technical Operation Center 1, isinagawa ang enforcement operation noong Nobyembre 17, dakong alas-4:00 ng madaling-araw, matapos ang isinagawang monitoring at survey sa mga pamilihan. Sa naturang operasyon, aabot sa mahigit 500 kilo ng karne ang unang nakumpiska sa Laoac, bago pa madagdagan ng iba pang nakumpiska sa Mapandan, dahilan upang umabot sa kabuuang 732.58 kilo ang lahat ng nakumpiskang produkto.
Sinabi ni Dr. Javier na bahagi ito ng pinaigting na enforcement efforts ng NMIS Region 1 upang matiyak na ligtas, properly inspected, at documented ang lahat ng meat products bago ito makarating sa mga mamimili. Nabatid na walang maipakitang valid Meat Inspection Certificate ang mga vendor, na siyang patunay na dumaan sa tamang proseso ng inspeksyon ang mga ibinebentang baboy, maging ito ay fresh o frozen. Araw-araw umanong nagmo-monitor at nag-i-inspect ang NMIS, hindi lamang sa karne ng baboy kundi sa lahat ng uri ng karne na ibinebenta sa mga pamilihan, at itinuturing ito bilang unang operasyon sa Pangasinan na mayroong naaresto kaugnay ng paglabag sa kawalan ng Meat Inspection Certificate sa mga nagdaang linggo.
Dahil walang sertipiko at hindi dumaan sa tamang proseso, idineklara ang mga nakumpiskang karne na not for consumption at isinailalim sa confiscation at condemnation o disposal. Nagpaalala rin si Dr. Javier sa publiko na maging maingat sa pagbili ng karne, suriing mabuti ang binibili, at hanapan ang nagtitinda ng valid na Meat Inspection Certificate upang makasigurong fresh at hindi kontaminado ang produkto.
Mananagot ang mga lumabag sa ilalim ng Republic Act No. 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines, na inamyendahan ng RA 10536. Sa ilalim ng Section 56 ng RA 9296, ang sinumang magbebenta, magdadala, magpoproseso, o mamamahagi ng karne na hindi dumaan sa kinakailangang meat inspection ay maaaring maharap sa multa na P100,000 hanggang P1,000,000, pagkakakulong na 6 na taon at 1 araw hanggang 12 taon, o parehong multa at pagkakakulong, depende sa pasya ng korte.
Maaari ring ipataw ang confiscation ng karne, condemnation o disposal, at pagsasara o pagbabawal sa negosyo alinsunod sa naaangkop na paglabag. Patuloy naman ang pinaigting na meat inspection ng NMIS Region 1 sa mga pamilihan sa buong rehiyon upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga consumer.









