Dagupan City – Katunayan, Sunod-sunod ang pinasinayaan na mga solar irrigation project sa iba’t ibang lugar bilang bahagi ng paghahanda sa mga epekto ng climate change.
Kabilang dito ang mga solar pump irrigation na itinayo upang masiguro ang sapat na suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
Iminungkahi ni NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie Guillen ang pagtatayo ng impounding dam sa mataas na bahagi ng lugar upang maipon ang tubig tuwing tag-ulan.
Layunin nito na mabawasan ang pagbaha sa mababang lugar at magkaroon ng maiimbak na tubig na maaaring pakawalan tuwing tag-araw kapag kulang na ang suplay.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ang paglalagay ng floating solar sa ibabaw ng mga impounding dam.
Ayon sa paliwanag, mas nagiging episyente ang produksyon ng kuryente ng solar kapag nasa ibabaw ng tubig at nakatutulong din ito na mapigilan ang evaporation dahil sa lilim.
Mayroon ding kabaligtaran na ugnayan ang solar at hydropower kung saan humihina ang produksyon ng solar tuwing maulan habang lumalakas naman ang hydropower at kabaligtaran tuwing maaraw.
Tinitingnan ito bilang bahagi ng climate change resiliency at adaptation projects ng pamahalaan.
Samantala, binanggit din ang isang proyekto sa Magat na may garantisadong kita na 525 milyong piso sa loob ng 25 taon.
Kasabay nito, hinikayat ang mga lokal na pamahalaan na unahing bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka sa kanilang lugar bago ang importation.
Layunin nitong matulungan ang mga magsasaka na kumita at mapaikot ang kita sa loob ng bayan upang magkaroon ng economic multiplier effect.










