Itinuturing ng Kabataan Party-list Pangasinan Chapter na tagumpay ang kanilang kilos-protesta laban sa Pax Silica matapos umano ma-delay ang pagpirma nito sa ASEAN Summit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan nitong Miyerkules, Nobyembre 18, 2026, sinabi ni coordinator Riki Nuñez na nagmartsa sila mula Dau, Pampanga hanggang Astro Park sa Angeles, Pampanga sa tinawag nilang Sakbayan. Aniya, hinarang sila ng pulisya, kinonvoy pabalik sa Tarlac, at ang ilan sa kanilang kasama ay napunta sa kustodiya ng pulisya dahil sa matinding checkpoint.
Ayon kay Nuñez, itinuturing nilang tagumpay ang protesta dahil na-delay o na-postpone ang pagpirma ni US President Donald Trump para sa Pax Silica.
Sinabi ni Nuñez na sinadya nilang isabay ang protesta sa pagdating ni Trump upang iparinig ang kanilang pagtutol, kasama ang mga magsasaka. Aniya, masisira ng Pax Silica ang kalikasan at kukunin ang milyun-milyong litro ng tubig at libu-libong megawatts ng kuryente. Kaugnay din nito ang kanilang pagtutol sa nuclear power plant sa Labrador, Pangasinan.
Dagdag niya, parami nang parami ang kabataang lumalahok at tuloy-tuloy ang kanilang laban kasama ang mga Aeta, magsasaka, at manggagawa para sa lupa, buhay, at soberanya.










