Nakikiisa na rin ang hanay ng mga opisyal ng barangay sa lungsod ng Dagupan sa pagtutol sa nakatakdang halos 21 porsiyentong pagtaas sa singil sa tubig ng Pamana Water Corporation na nakatakdang ipatupad sa Disyembre 1, 2026.
Sa panayam kay Barangay Bonuan Binloc Punong Barangay Wilmer Castañares, sinabi nitong napag-usapan na ng Liga ng mga Barangay sa pamumuno ni Liga President at Councilor Lino Fernandez ang naturang isyu.
Ayon kay Castañares, nagkakaisa ang mga kapitan sa lungsod at kanyang barangay sa panawagang tutulan o kaya ay ipagpaliban muna ang dagdag-singil, lalo na ngayong papalapit ang buwan ng Disyembre kung kailan inaasahang tataas ang gastusin ng bawat pamilya.
Binigyang-diin din ng opisyal na mabigat na pasanin ang taas-singil sa tubig dahil kasabay nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang epekto ng matagal nang krisis sa presyo ng produktong petrolyo.
Bagama’t may mga pagkakataong bumababa ang presyo ng gasolina, iginiit niyang hindi na ito bumabalik sa dating antas, kaya patuloy na nahihirapan ang mga residente na pagkasyahin ang kanilang kita na maari pa umanong maidagdag ang nasabing suliranin sa kanila.
Dahil dito, umapela si Castañares sa pamunuan ng Pamana Water na kung hindi man tuluyang makakansela ang pagtataas, ay ipagpaliban na lamang ito hanggang Enero ng susunod na taon o ipatupad nang paunti-unti o staggered upang hindi mabigla ang mga konsumer.
Samantala, Nauna nang umani ng matinding pagtutol mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at mga residente ng Dagupan City ang nasabing water rate hike.
Sa sesyon ng konseho noong Lunes, Nobyembre 16, lumabas na ang minimum residential water charge para sa mga gumagamit ng kalahating pulgadang metro ay tataas mula ₱203.84 tungong ₱246.40 (kasama ang VAT), o dagdag na ₱42.56 kada buwan.
Batay sa mga dokumentong iniharap sa konseho, ang pagtataas ay bahagi ng naunang inaprubahang tariff adjustments ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na pinagtibay ng Board of Directors ng Dagupan City Water District (DCWD).
Sa kabila nito, patuloy ang apela ng mga lokal na opisyal at residente na muling pag-aralan ang implementasyon nito bilang konsiderasyon sa kakayahang pinansyal ng mga Dagupeño.










