Kinuwestiyon ni House Prosecution Adviser Robert Ace Barbers kung paano nakapagpadala ng text message ang isa sa dalawang dating household staff ni Vice President Sara Duterte na umano’y humihingi ng saklolo dahil binabantaan umano ang kanilang buhay.
Ayon kay Barbers, may mga katanungan pang kailangang masagot kaugnay ng naturang alegasyon, partikular kung paano nakapagpadala ng mensahe ang sinasabing biktima kung hindi ito malayang nakakakilos.
Dahil dito, iginiit niyang kailangang beripikahin muna ang impormasyon at idulog ito sa mga kinauukulang ahensiya gaya ng Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ganitong paraan, matutukoy umano kung sino ang sinasabing pumipigil sa dalawang dating kawani at kung may pananagutan ang mga ito.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi dapat manatili sa alegasyon lamang ang usapin at dapat kasuhan ang sinumang mapatutunayang may kinalaman sa insidente.
Matatandaang unang lumutang ang umano’y paghingi ng tulong ng isa sa dalawang hosehold staff ni Vice President Sara Duterte, na aniya’y pinagbantaan umano ang buhay at pilit na pinapapirmahan ang isang dokumento na iniulat ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo na si Atty. Paolo Panelo.










